Ang mga kabataan ngayon masasabi nating "advance" kumpara sa mga kabataan noon na nasa parehong edad. Magaling na bumuo ng kung ano ano sa pamamagitan ng "computer" at "internet".
Pero sa kabila ng sinasabing pag unlad, nawala na din ang mga bagay na nakapagpapasaya sa kamusmusan.
Naawa ako sa henerasyon ngayon dahil kung anong bilis nilang tumipa sa talapindutan, ganun na rin kalabo ang mga mata nila dahil sa halos buong araw na pagtutok sa "screen o monitor". Hindi na din nakakakain ng maayos, nakakatulog o nakakapag ehersisyo ng sapat, maghapon na lang nakaupo.
Nanghihinayang ako dahil hindi nila naranasan kung anong saya meron sa mga salagubang at "bubble gum". Kung paano pabulain ang gumamela. Kung gaano nakakapikon maburot sa mataya-taya, langit-lupa, at takip silim (larong pinipiringan ang taya at hahanapin ang mga kalaro, karaniwang may limitadong espasyo na di pwedeng lumagpas ang ibang kalaro, pero laging di nasusunod hehe). Kung gaano katamis ang santan. Kung gaano kahalaga sa mga babae ang lutu-lutuang palayok na babasagin, gaano ka dapat kagaling pumili ng pato para sa piko at sinelas sa tumbang preso.
Noon ang "text" ay laruang papel na pinipitik sa hangin. Ang "friend" ay hindi naba-block o ina-add. Ang "mouse" ay nangangagat at pinandidirihan. Ang "notebook" ay talagang sulatan na di kailangang i-charge o makakonek sa "wifi". Ang "tweet" ay huni ng ibon. Ang "tumblr" ay nilalagyan ng tubig o inuman. Pero sa panahon ngayon may iba ng ibig sabihin ang mga yan.
Hindi masama ang pag unlad at sabi nga sa kanta malayu layo na rin ang ating narating. Pero sana wag tayong pa"control" sa teknolohiya, tayo ang dapat kumontrol dito. Huwag sana nating kalimutan kung ano ang saya na dala ng mga simpleng bagay. Kung ano ang tunog ng mga instrumento kapag ikaw mismo ang tumutugtog o naririnig mismo ng iyong tenga, hindi napapanood lang sa "internet".
Isa lang ang hiling ko at nais ko iparating, huwag sana nating hayaang agawin ng modernisasyon at teknolohiya ang kamusmusan ng ating mga kabataan.